Dear Dr. Love,
Kung minsan, nangyayari ang isang bagay na kahit sa hinagap ay hindi natin maiisip na magagawa, lalo na ng taong pinahahalagahan natin.
Nasisante ako sa trabaho kaya ang asawa kong si Ditas ang umaktong head of the family. Gaya ko, ang kumare namin na si Bess ay taong bahay at tagapag-alaga sa mga anak.
Minsan ay sinabi ni Bess na ang kanyang asawa na si Jorge at ang aking misis ay may relasyon. Hindi ko ito pinaniwalaan dahil sa pagmamahal at malaking pagtitiwala ko sa aking asawa. Sa halip ay isinumbong ko pa sa kanya ang sinabi ni Bess, na gumagawa kako ng tsismis.
Nagkaroon ng komprontasyon kung saan lumilitaw na ang aming bunso ay love child daw nila ni Jorge. Hindi pa rin ako naniwala, Dr. Love hanggang ang biyanan ko nang lalaki ang nakahuli sa kanila nang pumasok sa isang motel.
Napakasakit dahil naging kahiya-hiya ako sa aking pamilya, in-laws at maging sa mga family friends. Akala siguro ni Ditas, dahil siya ang naghahanap-buhay ay magagawa na niya ang lahat.
Nakipaghiwalay po ako sa kanya, ang anak namin ay nasa aking mga biyanan. Pinalayas din po siya ng kanyang mga magulang dahil tumanggi siyang hiwalayan si Jorge. Pero hindi po siya pinanindigan ni Jorge sa takot na mawalan ng biyaya ang mga anak sa mayamang pamilya ni Bess.
Sa kabila ng mga nangyari Dr. Love, nakaÂhanda po akong tanggapin muli si Ditas at buuin ang aming pamilya. Handa akong lunukin ang pride para sa aming anak. Pero nagmatigas siya na huwag nang makipagbalikan.
Gumagalang,
Leo
Dear Leo,
Isang masaklap na katotohanan na may pagkakataon na ang pagtitiwala at buong pagmamahal ay naaabuso. Pero kung tunay at wagas ang pagmamahal ay laging handang magpatawad. Kailangan lang ang sapat na panahon para makapag-isip, ma-realized ang dapat at maghilom kundi man ay kumalma ang nasaktang emosyon.
Hinahangaan ko ang kadakilaan ng pagmamahal mo sa iyong asawa, sa ngayon hayaan mo na lang muna siya. Ituon mo ang iyong atensiyon sa iyong anak at sikapin na makahanap ng trabaho at muling maitaguyod ang iyong anak, maging ang sinasabing love child. Kasama mo ako sa panalangin na magiging maayos din ang lahat para sa inyong pamilya.
DR. LOVE