Dear Dr. Love,
Pakiramdam ko po ay hindi na ako mahal ng aking nanay, mula nang mapangasawa ko ang lalaking hindi niya gusto para sa akin.
Bunso po ako sa aming pamilya. Balo na ang nanay ko na retiradong teacher. Masasabi ko po na maalwa ang kanyang kalagayang pinansiyal kaya nakakapag-abot siya sa mga kapatid ko na gipit sa budget, maliban lang sa akin.
Aminado po ako na ipinaghihinanakit ko ang tungkol dito. Pero bilang respeto sa aking asawa ay hindi ako nagsasabi ng aming kakulangan sa pinansiyal sa aking nanay.
Dr. Love, mahal ko ang aking ina kaya kahit na may asawa na ako ay sinisikap ko pa rin na magampanan ang mga dati kong gawain bilang anak niya. Ako pa rin po ang naggo-grocery para sa kanya at naglilinis ng kanyang kuwarto, bagay na hindi niya maipagkatiwala sa kanyang maid.
Ang totoo, nahihirapan na po akong mag-adjust. Ipinapanalangin ko nga po na maobserbahan ito ni nanay. Dahil nagbabalak na rin po akong magtrabaho para makapag-ipon kaming mag-asawa sa plano na naming magka-baby at makabukod sa aking mga in-laws.
Dahil hindi naman po kaila sa akin na mahigpit din po ang kanilang pangangailangan sa aspetong pinansiyal.
Ang tanong ko po ay kung nagiging makatwiran ba ako para maghinanakit sa aking ina na sa pakiwari ko ay hindi na mahalaga sa kanya ang kalagayan ko? Sa palagay n’yo po ba ay dapat akong magsabi kay nanay sa nararanasang kagipitan sa pinansiyal? Nag-aatubili ako dahil kung tatanggihan niya ako sa pagkakaloob ng tulong, baka lalong lumalim ang hinanakit ko sa kanya.
Gumagalang,
Josie
Dear Josie,
Sa kahit ano pa mang dahilan, ang pagtatanim ng sama ng loob lalo na sa magulang ay hindi makakabuti para sa anak. Walang biyaya sa ganitong estado ng emosyon. Kaya sikapin mo na pang-unawa at pagmamahal ang laging mangiÂbabaw sa damdamin mo para sa iyong ina.
Tungkol sa gusto mong paglapit sa kanya, bakit hindi mo subukan. Maaaring hinihintay ka lang niyang magpasaklolo sa kanya gaya ng iyong mga kapatid. Lagi mo siyang kuwentuhan sa pamamagitan nito at tulungan mo na makilala at mapalapit ang kalooban ng iyong ina sa iyong asawa. Iwasan mo sanang pangambahan ang mga bagay na hindi naman nangyayari. Kasama mo ang pitak na ito sa pagdalangin na manumbalik ang malambing na samahan ninyong mag-ina.
Dr. Love