Silahis

Dear Dr. Love,

Malugod akong bumabati sa iyo at sa lahat ng mga sumusubaybay sa iyong malaganap na column.

Tatlong taon na akong nagbabasa ng Pilipino Star NGAYON at ang paborito kong column­ ay ang Dr. Love.

Umaasa ako na pauunlakan mo ang aking sulat na tulad ng iba ay humihingi ng mahalaga mong payo.

Tawagin mo na lang akong Bobby, 34-an­yos at isang silahis. May asawa ako at limang anak, at ang akala ko’y mawawala ang aking interes sa lalaki kung magpapakasal ako sa isang babae.

Alam ng misis ko ang aking sitwasyon dahil hindi ako naglihim sa kanya. Sinusuportahan niya ako at ibinibigay ang lahat ng motivation para hindi ako mahulog sa tuksong maki­pagrelasyon sa lalaki.

Kasama kaming mag-asawa sa mga gawain sa church tulad ng bible study at ito ang nagpapatibay sa akin.

Kaso ay nararamdaman ko pa rin ang tukso bagama’t napaglalabanan ko. Ayaw kong mahulog sa tukso kaya humihingi ako sa iyo ng payo.

Bobby

Dear Bobby,

Ang tukso ay hindi kasalanan hangga’t hindi­ ka nadarapa o nagpapatangay dito. Maging ang Panginoong Jesus ay dumanas ng sari-saring tukso pero napaglabanan niyang lahat at hindi siya nagkasala.

Tama ang ginagawa mong pag-aaral ng Bibliya dahil iyan ang tunay na magbibigay sa iyo ng lakas sa patnubay ng Espiritu Santo.

Mapalad ka rin dahil mayroon kang kabiyak na nakakaunawa at sumusuporta sa iyo. La­gi mong isipin ang kapakanan ng iyong pa­milya para magkaroon ka ng determinasyon at tibay na paglabanan ang tukso.

Araw-araw ay itaas mo sa Diyos ang iyong kahinaan at siya ang magbibigay ng kinakaila­ngan mong lakas.

Dr. Love

Show comments