Rapist pinakasalan

Dear Dr. Love,

My warm salutation to you and your nume­rous readers.

Please call me Lita, a nurse working in Dubai. May asawa ako at isang anak na naiwan sa Pilipinas.

Hindi ko mahal ang mister ko. Biktima lang ako ng rape. Kaya ako nagpakasakit magtrabaho sa ibang bansa ay para sa aking anak na 4 na taong gulang na ngayon. Ang anak ko’y nasa pangangalaga ng aking kapatid na lalaking may asawa na.

Sa kapatid ko rin inire-remit ang aking suweldo para tustusan ang pangangailangan ng anak ko.

Napilitan lang akong magpakasal sa mister ko na pinagsisisihan ko.

Dito sa Dubai ay may naka-relasyon ako.  Alam niya ang buong katotohanan at handa raw niya akong pakasalan sa sandaling ma-annul ang aming kasal ng mister ko.

Tama ba ang gagawin ko kung ipaa-annul ko ang aking kasal?

Lita

Dear Lita,

Hindi na kita sisisihin sa pagpapakasal mo sa lala­king rapist mo. Marahil ay nabigla ka lamang dahil sa sitwasyon mo noon kaya napilitan kang magpakasal.

Pero sa tingin ko ay tamang ipa-annul mo ang kasal dahil ang pamimilit ay isang  matibay na dahilan para mapa-annul ang kasal.

Samantala, ipinapayo ko na huwag ka munang magkakaroon ng intimate relationship sa katipan mo ngayon at manalangin kang mabuti tungkol sa hakbang na gagawin mo.

Nawa’y magsilbing aral ang karanasan mo. Hindi komo naisahan ng lalaki ang babae ay  pakakasalan na ang lumapastangan sa kanya. Kung may nan-rape sa inyo, humanap kayo ng katarungan. Magdemanda kayo para maparusahan ang mga gumagawa ng kahalayan.

Dr. Love

Show comments