Tawag ng laman

Dear Dr. Love,

Brando na lang ang itawag mo sa akin. Sa edad kong 50-anyos ay matikas pa rin ang dating ko at maraming nagkakagustong babae.

Ang asawa ko ay biktima ng stroke at isa nang paralitika.  Mahal ko siya ngunit naghahanap din ng init ang aking katawan.

Limang taon na sa ganoong kondisyon ang misis ko at noong una’y palihim akong  nakikipagtalik sa ibang babae. Mayroon akong kabit noon.

Nang ako’y maging born again Christian, nalaman kong mali ang aking ginagawa at isa palang kasalanan.

Pero talagang dumarating ang pagkakataong ginigiyagis ako ng pagnanasa. Idinaraan ko na lang sa “sariling sikap” para lang maibsan ang nasa ng aking laman.

Kasalanan po ba ito?

Brando

Dear Brando,

Sinasabi sa Biblia na ang tao’y hindi dapat padaig sa  tawag ng laman (lust of the flesh). May tagubilin din ang Bible na para hindi manaig sa atin ang pita ng laman, lagi tayong magpagabay sa Banal na Espiritu  (Galatians 5:16).

Lahat naman ng tao’y nagkakasala kahit pa sabihin mong ikaw ay isang Kristiyano. Ito’y dahil sa likas nating kahinaan. Kaya nga tinanggap natin si Kristo upang siyang gumabay sa atin at  magtayo sa atin kapag tayo’y nabubuwal.

Always pray and be guided by the Holy Spirit na siyang nagbibigay sa atin ng kalakasan. At kung tayo’y nagkakasala, lumapit lagi tayo sa Panginoon at humingi ng tawad. Walang kasalanang walang katumbas na kapatawaran sa Diyos basta’t tayo’y taimtim na nagsisisi.

Dr. Love

 

Show comments