Dear Dr. Love,
My greetings of peace to you at sana’y datnan ka ng aking sulat na nasa mabuting kalagayan.
Ako pa si Andy, 24-anyos at walang trabaho bagama’t nakatapos ako ng commerce. May nililigawan ako. Tawagin mo na lang siyang Aida. Minsang nagkasarilinan kami, sinabi niya na may pagtingin siya sa akin pero tutol ang mga parents niya dahil tinawag akong batugan.
Nasaktan ako pero totoo naman ang sinabi ng mga magulang ni Aida. Pero hirap akong maghanap ng trabahong katapat ng aking natapos.
Madalas, sinasabi sa akin na kailangan ang experience bago ako ma-hire. Paano ako magkaka-experience kung hindi ako bibigyan ng tsansa?
Ayaw kong matawag na tamad dahil gusto ko talagang magtrabaho pero mailap sa akin ito. Pagpayuhan mo po ako.
Andy
Dear Andy,
Baka naman ang inaaplayan mo ay manager o supervisor. Andy, huwag kang maging mapili. Kahit mababa sa pinag-aralan mo ay pasukin mo at magsimula ka sa ibaba para maabot mo ang mataas.
May kilala ako na nagsimula sa pagiging janitor sa isang kumpanya habang nag-aaral at nung makatapos ay binigyan ng mas magandang puwesto hanggang sa maging sales manager ng isang malaking kumpanya.
Gawin mong inspirasyon ang mga taong may magandang success stories.
Dr. Love