Dear Dr. Love,
Unang-una sa lahat ay binabati kita ng magandang araw pati na ang buong staff ng Pilipino Star NGAYON at ang mga mambabasa.
Itago mo na lang ako sa pangalang Kristine, isang single mother. Aaminin kong ito’y bunga ng isang pagkakamali na ngayo’y pinagsisisihan ko.
Ang hindi ko pinagsisisihan ay ang pagkakaroon ko ng isang anak na lalaki na matalino at nasa grade 2 na.
Ngunit ang kalagayan ko pala ngayon ay isang malaking disadvantage sa aking love life.
Nagkaroon ako ng manliligaw na sinagot ko. Pero nang ipagtapat ko ang pagkakaroon ko ng anak ay bigla na lamang siyang nanlamig at unti-unting lumayo sa akin.
Natatakot na tuloy akong mag-entertain ng manliligaw at baka ganoon pa rin ang mangyari.
Isasara ko na ba ang pintuan ng aking puso?
Kristine
Dear Kristine,
Hayaan mo lang na ligawan ka at huwag mong ipagmaramot sa mga lalaking may gusto sa iyo ang karapatang lumigaw sa iyo.
Pero bago mo sagutin ang sino man sa kanila, ipagtapat mo agad ang kalagayan mo. Naniniwala ako na para sa lalaking tunay na umiibig, ang kahapon ng isang babae ay walang halaga.
Magpasalamat ka at ‘yung boyfriend mong lumayo sa iyo matapos malamang may anak ka ay nagpakilala sa kanyang sarili bilang lalaking hindi karapat-dapat sa iyo.
Dr. Love