Gusto nang maningil

Dear Dr. Love,

Mayroon akong problemang pinansiyal sa kasalukuyan. Ito ay kung paano mababayaran ang malaking pagkakautang ng aming pamilya sa pagpapagamot ng aking yumaong mister sa ospital.

Gumastos man kami ng malaki para guma­ling ang aking asawa, hindi rin siya pinalad na gumaling. May nalalabi pa kaming bayarin sa pagamutan na ipinangako kong babayaran ma­ta­pos malibing ang aking asawa. 

Ang inaasahan kong pambayad sana ay ang ipinautang noon ng aking asawa sa kanyang nakatatandang kapatid na babae.

Hindi kaagad ipinaalam sa akin ng mister ko ang perang hiniram ng kanyang kapatid dahil mahilig itong manghiram na hindi binabayaran bukod pa sa palaging panghihingi sa ganito at ganoong pangangailangan ng kanyang mga anak.

Napilitan nang sabihin sa akin noon ng aking­ asawa tungkol sa pera dahil nakalipas na ang dalawang taon, ang P100 libong kinuha nito para puhunanin daw sa negosyo ay hindi pa isinasauli.

Ang alam ng hipag ko, hindi ko alam ang utang niya dahil sinabi niya noon sa mister ko na huwag nang ipaalam sa akin dahil ibabalik naman niya agad.

Noon ay tinatanggihan ko na ang mga pag-utang niya sa akin dahil hindi nga siya nagbabayad. Pero palibhasa ay kapatid na nakata­tanda, hindi siya matanggihan ng mister ko.

Paano ko po masisingil ang hipag ko sa utang niya sa namayapa niyang kapatid? Paano kung tumanggi ito at panindigang wala siyang utang? Puwede ko na bang kalimutan ang utang niya ngayong nagsosolo na akong kumakayod para buhayin ang apat na anak na kasalukuyang nag-aaral lahat?

Gumagalang,

Grace 

Dear Grace,

Hindi maliit na halaga ang P100 libo sa isang nangangailangang tulad mo. Ipaalam mo sa iyong hipag ang iyong problema at daanin mo sa dip­lomasya ang paniningil sa kanya. Tanggapin mo na kahit hulugan ang pagbabayad ng utang kaysa wala kang mapakinabangan sa malaking halaga na iyon.

Dr. Love

 

Show comments