Isulong ang pangarap

Dear Dr. Love,

Unang una sa lahat ay ang akin munang pagbati sa iyo at sa lahat ng staff ng PSN pati na ang iyong mga tagasubaybay.

Tawagin mo na lang akong Arnold, 23 anyos­ at isang karpintero. Second year lang ang natapos ko sa high school kaya heto ang binagsakan kong trabaho na natutuhan ko sa aking yumaong tatay.

Mayroon isang babaeng nagpatibok ng puso ko. Tawagin mo na lang siyang Anna. Ka­tulong siya na nagsisilbi sa isang karinderya.

Masyado akong nalungkot dahil isang araw, tinapat niya ako na wala akong maaasahan sa kanya. Ang gusto raw niya ay ‘yung may tinapos at may magandang trabaho dahil mahirap lang siya, kukuha pa siya ng isang mahirap din?

Masakit ang sinabi niya pero nagsilbing hamon­ sa akin. Kaso, pilitin ko man na ma­ka­pagtapos ng kolehiyo ay malabo na dahil sa edad ko. Okey bang magpatuloy ako ng pag-aaral?

Arnold

Dear Arnold,

Nabalitaan mo na ba ‘yung mahigit sa 70 taong gulang na ay nakapagtapos pa ng law at nakapasa sa bar? Habang may buhay ay may pag-asa.

Kaso for practical reason ay maaari ngang medyo alangan na kung magpapatuloy ka ng pag-aaral. Gayunman, may mga non-formal education na iniaalok ang ating gobyerno para matuto ka ng mga skills na pakikinabangan mo para magkaroon ng magandang trabaho.

Magtanong ka lang sa tanggapan ng TESDA na siyang nakakaalam sa mga progra­mang ito na marami na ang nakinabang.

Dr. Love

Show comments