Dear Dr. Love,
Hindi ko na po yata matatagalan ang pakikisama sa aking biyanan. Sala sa init, sala sa lamig ang pakikitungo niya sa akin. Para akong nakatuntong sa numero.
Ang hirap po nito, ang live in partner ko ay hindi pa ako pinakakasalan. Lagi siyang nakadepende sa kanyang ina at hindi pa raw niya kaya na magsarili kami.
Hindi po kasi itinuturing na maganda ng aking hilaw na mother-in-law ang pagsasama namin ng kanyang anak, na mistulang naging sapilitan dahil apat na buwan na ang dinadala ko sa sinapupunan.
Nagalit ang aking ama nang malaman niya na nadisgrasya ako ng isang lalaki na tumatanggi namang magpakasal dahil wala pa siyang pirmihang trabaho.
Pinalayas ako sa bahay ng aking ama dahil inilagay ko raw ang aking pamilya sa kahihiyan. Napilitan akong magpatulong sa boss ni Tony dahil gusto na niya akong takbuhan.
Mula nang umakyat ako sa bahay nina Tony, wala nang magandang mukhang ipinakikita sa akin ang nanay niya.
Pinikot ko raw ang kanyang bunsong anak kaya’t magpasensiya raw ako kung sumipot o hindi sa bahay si Tony, na sinasadya nga yatang mainis ako para umuwi na sa sariling bahay.
Hindi ko po alam kung ano na ang gagawin ko. Hindi ko na matatagalan ang kalagayan ko sa tahaÂnan ni Tony pero takot naman akong bumalik sa aming bahay sa pangambang saktan ako ng aking ama.
Ano po ang maipapayo ninyo, Dr. Love? Wala po akong matatakbuhang iba sa kasalukuyan kong kundisÂyon. Maraming salamat po at more power.
Gumagalang,
Gilda
Dear Gilda,
Ang dugo ay dugo. Kahit pa kagalitan ka ng ama mo, bumalik ka na sa pamilya mo bago pa man may mangyari sa kalusugan mo at sa dinadala mong baby dahil sa palaging sama ng loob at problema na dinaranas mo sa bahay ng boyfriend mo.
Humingi ka ng tawad sa magulang mo at aminin na nagkamali ka sa pagpatol sa isang iresponsableng lalaki. Ang hinahabol mong kasal ay kalimutan mo na dahil kung wala ka namang tinatanaw na magandang bukas sa piling ng nobyo mo, ano ang magiging katayuan ng iyong anak?
Sikapin mong mailuwal nang maluwalhati ang baby mo at saka ka na maghanap ng trabaho para mayroon kang ibuhay sa kanya.
Magpakabuti ka lang, makakatagpo ka pa ng ibang karapat-dapat sa iyong pagmamahal na tatanggapin ang anak mo bilang tunay niyang supling.
DR. LOVE