Dear Dr. Love
Tawagin mo na lang akong Lolo Imo, 73 anyos at matagal nang biyudo.
May kasintahan ako nung araw. Tawagin mo na lang siyang Selya na ngayo’y 75- anyos na. Isa na rin siyang biyuda.
Nagmahalan kami nung araw pero may mga pangyayaring hindi inaasahan. Ipinagkasundo siya ng kanyang mga magulang sa ibang lalaki.
Ngayong pareho na kaming walang asawa ay binabalikan ko siya. Pinagtatawanan nga kami ng aming mga anak at apo na wala namang tutol. Ang problema ay si Selya ang ayaw.
Matanda na raw kami at nakakahiya. Nang magkausap kami nang sarilinan, inamin niyang mahal pa rin niya ako pero lubhang napakatanda na raw naming at nakakahiya kung magpapakasal kami.
Ano ang gagawin ko para siya makumÂbinsi na buhayin ang aming naunsiyaÂming pag-ibig?
Lolo Imo
Dear Lolo Imo,
Sabagay ay tila may katuwiran si Lola. Baka nga naman sa edad ninyong iyan ay pagkaguluhan kayo ng media at ma-televise pa ang inyong kasal dahil pambihira iyan. Pero may kasabihan na wala sa edad ang pag-ibig basta’t naroroon pa rin at umaalab sa inyong mga puso.
Paano mo siya makukumbinsi? Ewan ko. Ang masasabi ko lang ay kung pursigido ka, magtiyaga kang manuyo at maghintay. Sabi nga ng kasabihan, walang matigas na tinapay sa mainit na kape.
Dr. Love