Huwag mag-apura

Dear Dr. Love,

Ako po ay isang tagasubaybay ng inyong column.  Sumulat po ako kasi tulad ng iba, gusto ko rin humingi ng payo sa inyo.

Ako po ay may boyfriend. Siya ay hiwalay sa asawa. Labing-dalawang taon na ang na­kalipas noong kami ay magkakilala. Inaayos po niya ang kanilang annulment ngunit ang kanyang asawa ay nasa Canada. Matagal nang hindi umuwi kaya hindi maayos ang kanilang annulment.

Ngunit noong nakaraang buwan, biglang dumating ang kanyang asawa at nagpagawa ng affidavit sa kanyang abogado at ang nakasaad ay pinapahintulutan na siyang mag- asawa ng iba.

Ang tanong  ko po ay kung kami ay puwede nang magpakasal kahit na hindi pa annul ang kanilang kasal? Maraming salamat po, sana mapayuhan ninyo ako.

Anonymous

Dear Anonymous,

Hindi ako abogado pero tiyak ko na hindi pa kayo puwedeng magpakasal dahil hindi pa nalulusaw ang naunang kasal ng iyong boyfriend.

Kahit gumawa pa ng kasulatan ang kanyang unang asawa, hindi dahilan ito para payagan kang magpakasal sa ilalim ng batas.

Tutal payag na naman ang misis ng boyfriend mo na maghiwalay sila, eh ‘di asikasuhin na ang annulment. Huwag kang mag-aapura at hayaan mong dumaan sa legal na proseso ang lahat para walang problema.

Dr. Love

Show comments