Dear Dr. Love,
Labis na nag-aalala ngayon ang aking pamilya sa kalagayan ng isa kong kapatid na babae na nahumaling, nagtanan at nagpakasal sa isang lalaking mas matanda kaysa kanya.
Simula po nang makilala ng kapatid kong si Girlie ang lalaking ito, na dayo lang sa aming lugar parang nagayuma siya nito.
Nakapagtataka po na nagustuhan ng ate ko ang aking bayaw na wala man lang sa kalingkingan ng mga nanligaw sa kanya pero na-basted dahil hindi niya kursunada.
Kahit anong pintas ang gawin ng mga magulang ko noon kay Baldo, hindi pinakikinggan ng aking ate, nakipagtanan pa ito at sumama kay Baldo sa kanilang probinsiya.
Bagaman galit ang aking parents sa ginawang pagsuway ng aking Ate Girlie sa kanilang pagtutol sa naging asawa nito, hindi rin naman sila nakatiis.
Nagpadala sila ng isang kamag-anak patungong Bicol para alamin ang kalagayan ni ate. Ang resulta, namayat daw ang kapatid ko dahil marahil sa hirap ng buhay. Pobre daw ang pamilya ni Baldo at wala itong pirmihang trabaho.
Ang balita pa ng sinugong kamag-anak, tila raw ginayuma ni Baldo ang kapatid ko dahil sa kabila ng kalagayan nito ay hindi maiwanan ang kanyang asawa. Inamin daw nito sa kanya na nagtataka raw siya kung bakit nga niya nakursunadahan ang naging asawa.
Ano po ba ang dapat naming gawin?
Gumagalang,
Nita
Dear Nita,
Wala tayong beripikasyon kung may katotohanan ngang tumatalab ang gayuma sa isang babae o lalaki na gustung-gusto ng isang tao.
Para mawala ang pag-aalala ng iyong pamilya sa ate mo, bakit hindi kayo ang mismong magpasundo sa kapatid mo at asawa para dumalaw sa bahay ninyo.
Mula ba nang magtanan ang ate mo ay hindi na siya nakatuntong sa inyong taÂhanan?
Nagkamali man ang kapatid mo sa ginawa niyang pagtatanan, makabubuting tulungan siya kung mayroon man siyang problema. Huwag ninyong daanin sa pu wersa ang hakbvang na dapat gawin kundi diplomasya.
Maaaring nahihiya ang ate mo sa nangyari kung kaya’t ayaw humingi ng tulong sa inyo kung mayroon man siyang problema.
Dr. Love