Dear Dr. Love,
Isang problemang legal ang sumulpot sa aming pamilya sa pagkamatay ng mister ko. Isang babae na may dalang bata ang nagpunta sa amin at sinasabing anak ni Dario ang sanggol.
Inihihirit ng babae na nagpakilalang si Norma ang parte ng anumang biyaya na nakuha ng aming pamilya sa aking yumaong asawa para raw makapag-aral ang bata. Nagwala dito ang aking mga anak dahil wala naman siyang maipakitang dokumento na nagpapatunay na si Dario nga ang ama ng bata. Sa birth certificate, apelyido naman ni Norma ang nakalagay. Hindi rin nakasulat na si Dario ang ama.
Pero isang kaibigan ni Norma ang nagpapatunay na, anak nga ni Dario ang sanggol at diumano, siya pa ang nagbayad sa ospital sa pagsisilang ng bata.
Mahinahon kong sinabi ni wala akong nalalamang babae na naging karelasyon ng asawa ko. Isa siyang mabuting ama at asawa noong panahong nabubuhay pa siya.
Nagbanta ang babae na magdedemanda para mabigyang hustisya ang ginawa sa kanya ng aking asawa, na pinaasa siya at inanakan pa.
Ang sabi ng isa kong anak, wala akong dapat na ikabahala dahil maghaharap din kami ng kontra demanda sa paninirang puri sa alala ng yumao kong asawa. Idedemanda rin anya ang babae ng tangkang panggagantso.
Takot po ako sa mga tsismis at intriga at ayaw kong magulo ang isip ko sa ganitong mga legal na proseso. Payuhan mo po ako sa dapat kong gawin. Kahit walang kasiguruhan na anak nga ng asawa ko ang batang dala ni Norma, palagay po ba ninyo dapat ko nang aregluhin ito?
Maraming salamat po at nawa’y lumawig pa ang column ninyo.
Gumagalang,
Celina
Dear Celina,
Maraming uri ng tao sa mundo na kayang gumawa ng mga tahi-tahing kuwento para magkapera. Para sa akin, hindi sapat ang pagpapakilala ng babae sa sanggol at ang pagpapatotoo ng kanyang kaibigan na anak nga ito sa labas ng iyong namayapang asawa.
Sakaling ituloy ni Norma ang bantang panggugulo sa inyong pamilya, maaaring may katuwiran ang iyong anak na idaan n’yo na sa korte ang usapin.
DR. LOVE