Dear Dr. Love,
Bago ang lahat ay binabati kita pati na ang mga masusugid mong tagasubaybay ng magandang araw.
Sana’y mapaunlakan mong itampok ang aking sulat sa malaganap mong coÂlumn na Dr. Love.
Rhina ang aking pangalan, 24-anyos at kumukuha ng kursong nursing.
Nang 20-anyos pa lang ako ay nakipagtanan na ako sa aking boyfriend at nagpa-secret marriage kami sa Bulacan.
Pero hindi kami nagsama at nagpatuloy na mag-aral ang bawat isa sa amin. Hindi ko masiguro kung totoo o peke ang aming kasal. Ang nagkasal sa amin ay isa raw ministro ng isang sekta ng relihiyon.
Bigla na lamang nawala ang aking asawa noong 21-anyos ako at wala na akong balita sa kanya.
Legal kaya ang kasal namin?
Rhina
Dear Rhina,
Malalaman mo lang kung legal o hindi ang inyong kasal kung itsi-check mo sa National Statistics Office o NSO. Kapag na-irehistro ang kasal doon, balido at may bisa.
Pero malakas ang hinala kong hindi totoo ang inyong kasal lalo pa’t ministro ng isang sekta ang nagkasal na hindi kapareho ng inyong relihiyon. Sa pagkakaalam ko ang mga ministro ay puwede lamang magkasal kung ang ikinakasal ay miyembro ng kanilang sekta.
Dr. Love