May ikalawang langit

Dear Dr. Love,

Dati hindi ako naniniwala na may ikalawang langit, dahil sa naranasan kong pait sa aking buhay may asawa.

Hiniwalayan po ako ng aking asawa pagkaraan ng sampung taon naming pagsasama at pagkakaroon ng isang anak.

Nag-abroad siya para magpakadalubhasa sa kanyang sining. Tatlong taon ang lumipas nang bumalik siya at ayaw nang magpatabi sa akin. Nalaman ko na lang na mayroon na siyang dayuhang lover. At nang kausapin niya ako para hilingin na palayain ko na siya ay halos gusto ko na siyang sakalin sa ngitngit.

Wala akong alam na kamaliang nagawa. Ni wala akong ibang babae na niligawan sa buong panahong wala siya sa bahay para magpakadalubhasa. Sinabi niyang wala akong kasalanang nagawa. Siya raw ang may problema dahil, hindi na siya maligaya sa piling ko. Nagkasundo kami na hati kami sa pag-aalaga sa aming anak. At sa sandaling mag-file siya ng annulment o legal separation hindi ko na ito tututulan pa.

May limang taon akong nagsosolo sa isang town house na nilipatan ko. Dito ko dinadala ang anak ko kapag bakasyon ako sa pinapasukang opisina. Hanggang makilala ko si Della, isang bagong pasok na empleyado sa aming opisina.

Naging mabuti kaming magkaibigan hanggang sa mamalayan namin na malapit na kami sa isa’t isa. Walang ligawan na nangyari pero nagkaroon kami ng unawaan. Desidido na  akong pakasalan siya, Dr. Love. Kaya ginawa ko ang lahat para maipakita ito sa kanyang mga magulang.

Nilakad ko ang pagwawalang bisa ng kasal ko sa simbahan. Talagang masalimuot ito at magastos, pero salamat na lang at may mga kaibigan akong obispo na nalapitan kaya napadali ang pagpayag ng Roma.

Sa ngayon nga po Dr. Love, masaya ang aming pagsasama ni Della kasama ang dalawa naming anak.
Saka ko napaniwalaang mayroon nga palang ikalawang langit at binibigyan ng panibagong pagkakataon sa buhay  ang taong may ganap na pananalig sa kabutihan ng Dakilang Maykapal.

 Salamat po sa pagbibigay ninyo sa liham ko at more power Dr. Love.

Gumagalang,

Caesar

Dear Caesar,

Natutuwa ako para sa iyo. Dahil hindi ka bumitaw sa mabuting pananaw sa buhay sa kabila ng dinanas mo sa iyong marriage life. You really deserve to be happy. Hangad ko ang ibayong kaligayahan pa para sa iyong pamilya.

DR. LOVE

Show comments