Munting tulay ng pag-ibig

Dear Dr. Love,

Wala na sana akong balak na mag-asawa pagkaraang mabalo nang sinamang palad na masawi sa panganganak ang aking misis. Halos magdadalawang taon pa lang kaming nakakasal ni Dora noon. Kaya hindi nagtataka ang aking mga kaibigan at kamag-anak kung sinasabi ko noon na nalibing na rin kasama ni Dora ang aking pag-ibig.

Sa aking anak na si Robert ko na lang iniukol ang malaking bahagi ng aking panahon. No time for love, ika nga ng matatanda. Pero dumating sa buhay ko si  Shirley, ang magandang tutor ng aking anak na si Robert. Nabago niya ang aking pananaw sa buhay. Kailangan ko pala na may katuwang sa pagpapalaki kay Robert. Kailangan ko rin ng isang babae sa ipinundar kong tahanan.

Naging malapit si Robert sa tutor niya dahil marahil sa uhaw siya sa atensiyon at pagmamahal ng isang ina. Noong una ay pilit kong sinisikil ang atraksiyon at paghanga kay Shirley pero nang lumaon, nagmistulang munting tulay ng aking pag-ibig ang limang taon kong anak.

The rest is history na lang. Ikakasal na kami ni Shirley sa darating na buwan ng Hunyo, sa isang simpleng seremonya na siyang nais ng aking magiging misis. Ang suwerte nga naman po. Kusa lang pala itong dumarating.

Ang dalangin ko lang po Dr. Love ay manati­ling maalab ang pagmamahalan namin ni Shirley at mapagtagumpayan naming dalawa ang lahat ng pagsubok na kakaharapin sa buhay mag-asawa.

Masaya po ako dahil nakatagpo ako ng babaeng mamahalin, nagmamahal din sa akin at sa aking anak na si Robert.

Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy na tagumpay ng inyong column.

Gumagalang,

Anselmo

Dear Anselmo,

Totoong dumarating sa buhay natin ang pag-ibig, hanapin man o hindi. Kapansin-pansin ang kaligayahan mo sa iyong sulat. Tunay na maswerte ang gaya mo para makuha ang tatlong mahahalagang katangian para sa bagong kabiyak habang buhay.

Hayaan mong batiin kita in advance sa iyong nalalapit na pagpapakasal. Kasama mo ang pitak na ito sa panalangin para sa katatagan at patuloy na kaligayahan ng inyong pamilya. Best wishes!

Dr. Love                

Show comments