Dear Dr. Love,
Isang taon na lang sana, graduate na ako ng nursing nang magbago ang takbo ng aking buhay. Tigil ako sa pag-aaral, tanggal ang sustento at pinalayas ako ng aking mga magulang nang malaman na tatlong buwan akong buntis.
Tinunton ni tatay ang bahay ng boyfriend kong si Daniel, tinanong kung siya ang ama ng ipinagbubuntis ko. Hindi naman po niya itiÂnanggi pero sinabing hindi pa siya handa sa pagpapamilya. Ang sumunod na eksena ay iniwanan ako ng aking ama sa bahay ng boyfriend ko.
Doon ako namalagi hanggang sa manganak sa isang government ospital. Salat sa pinansiyal ang pamilya ni Daniel. Ang minimum na sweldo lamang niya ang inaasahan, bukod sa buwanang pensiyon ng kanyang ina kung saan nakadepende rin ang dalawa pa niyang kapatid na may pamilya na rin.
Dr. Love, sa totoo lang po ay pinananabikan ko nang husto ang muling pagbalik sa aming bahay. Pero unti-unti na pong lumalabo ang sitwasyon na makatupad si Daniel sa pangakong kasal, na sinabi niya sa tatay ko para makauwi ako ng bahay. Gustuhin ko man na magtrabaho ay wala akong mapag-iwanan sa aking anak.
Kaya hindi na ako nagdalawang-isip na lihim na kausapin ang kapatid ko. Sa kanya ako tumakbo nang umalis kami ng aking anak sa poder ni Daniel. Tinulungan din ako ni ate na humingi ng tawad sa aming mga magulang. Sinabi nila na sadyang tinikis nila ako para maÂkitang iresponsable si Daniel.
Nagpapasalamat po ako sa pangalawang pagÂkakataon na ibinigay sa akin ng mga maguÂlang ko para makabangon. Masaya kaming magÂkakasama, ako at ang kanilang apo. Nakabalik na rin po ako sa pag-aaral ngayon.
Dalangin ko rin po na matuto na rin si Daniel para ayusin ang buhay niya.
Gumagalang,
Celina
Dear Celina,
May mga pagkakataon talaga na hindi matutunan ng isang tao ang tamang leksiyon kung hindi mararanasan ang resulta nito. Sa mga naging hakbang mo para maitama ang mga naging pagkakamali, sa palagay ko ay na-gets mo na ang parents mo.
At sana sa susunod na may dumating na lalaki sa buhay mo, mas maging matalino ka sa pagdedesisyon. Tungkol kay Daniel, malaking tulong kung maipagdarasal mo na matauhan na rin siya.
Dr. Love