Dear Dr. Love,
Bakit po kaya kapag ang isang lalaki ay maraming kinalolokohang babae, hindi ito itinuturing na abnormal. Pero kapag ang isang babae na may asawa ay pumatol sa ibang lalaki, hindi siya mapatawad?
Ito po ang problemang nais kong ihingi sa inyo ng payo. Talaga bang wala nang kapatawaran ang ganitong uri ng sala?
Ang katotohanan, natukso lang po ako na pumatol sa ibang lalaki dahil gusto kong makabawi sa asawa ko. Babaero po ang mister ko at naisip kong subukan kung ano ba ang feeling nang mayroong ibang minamahal.
Ang sabi ko noon, bakit kaya kong laging mapatawad ang aking asawa sa tuwing bumabalik siya sa akin pagkaraan na mayroon siyang ibang kinahumalingan. Pero sa kabila ng mga pangakong hindi na uli magloloko, lagi at laging nabibigo siyang tuparin ang pangako niya.
Pero bakit nang ako ang matutong magloko at minsan lang naman, hindi niya ako kayang mapatawad? Pinalayas niya ako matapos matuklasan na mayroon akong ibang lalaki sa buhay. Ayaw niya akong padalawin man lang sa aming anak.
Nagsisisi ako sa aking nagawa. Ayaw ng asawa ko na maniwala na nadala lang ako ng sama ng loob sa kanya at nais ko siyang gantihan sa paulit-ulit niyang pagtataksil sa akin. Paano po ba ang dapat kong gawin para ako ay mapatawad ni Dante? Mahal ko pa po siya at iyan ang dahilan kung bakit kaya ko siyang matanggap uli kahit paulit-ulit niyang kinakalimutan ang pangako niya sa akin.
Maraming salamat po at sana, mabigyan ninyo ako ng tamang payo para mapaglubag ang loob ng asawa ko.
Gumagalang,
Pearly
Dear Pearly,
Ang pagpapatawad ay isang personal na desisyon ng isang tao at kung hindi ka pa kayang patawarin ng asawa mo, ang magagawa mo ay maghintay hanggang sa maging handa siyang matanggap ang iyong naging pagkakamali.
Talagang may mga kakatuwang maituturin na sitwasyon sa buhay. Pero ang reyalidad, ang gawaing mali ay hindi magiging tama sa paggawa ng isa pang mali. Kaya sana ay natutunan mo na ang matinding leksiyon sa iyong buhay.
Dr. Love