Ikinahiya ang anak
Dear Dr. Love,
Hindi ko po sukat akalain na mayroon palang ama na ikinahihiya ang may kapansanang anak dahil nakakaapekto ito sa kanyang ego.
Ito po ang ipinalalagay kong dahilan kung bakit iniwan kami ni Deo at nagpasyang sumunod sa kanyang ina sa State. Mayroong down syndrome ang anak naming panganay.
Ayaw niyang bumalikat sa pagpapalaki ng isang bata na mayroong ganitong problema sa kalusugan. Parang nakulangan ang kanyang pagkalalaki sa pagkakaroon ng isang anak na may depekto hindi lang sa hitsura kundi mahina ang kakayahan sa isip.
Inaapura niya akong magkaroon na ng kasunod si Rod pero ayaw ko pa uli dahil mahahati ang aking atensiyon at pagbubuhos ng pag-aalaga sa aming panganay.
Kailangan kakong magpalipas muna kami ng ilang taon para hindi mapabayaan si Rod. Hindi sa ayaw kong masundan ng baby ang aming panganay. Gusto ko munang tutukan ang pagpapalaki kay Rod.
Naghahanap pa si Deo ng trabaho para matustusan ang arawan naming pangangailangan kaya hindi makapagpadala agad ng sustento.
Bagaman wala pa kaming pormal na pagkakanya-kanyang buhay, may suspetsa ako na
darating ang panahon na tuluyan na niya kaming iiwan. Ano po sa palagay ninyo? Dapat ko pa bang asahan na babalikan niya kami? Madalang siyang sumulat ni tumawag.
Maraming salamat po at hihintayin ko ang sagot at ang mahalaga ninyong payo.
Gumagalang,
Lany
Dear Lany,
Bigyan mo pa ng sapat na panahong makapag-isip ang iyong asawa, marahil naghalo-halo lamang sa kanyang isip ang matinding pagsubok ninyong mag-asawa sa pagiging magulang ng ispesyal na anak. Bukod pa dito ang pag-iisip kung paano tutugunin sa lalong madaling panahon ang pangangailangan ng bata dahil wala pa siyang trabaho.
Sa pagkakataong ito, ibayong katatagan ang ipamalas mo, hindi lamang para sa iyong anak kundi maging sa naguguluhan mong asawa. Huwag mo rin kalimutan na ipagdasal lagi ang inyong mag-anak. Dahil sa bawat kahinaan, napatutunayan kung gaano kamakapangyarihan ang ating Lumikha.
Dr. Love
- Latest