Dear Dr. Love,
Itago mo na lang po ako sa bansag na Arlene. Minsan sa buhay ng aming pamilya, napatunayan ko na kapag may usok ay may apoy.
Dahil noong una ay kinukompronta ko pa ang mga tsismosang walang patumanggang nagkakalat ng hindi maganda laban sa aking inay. Kinse anyos pa lang ako nang mamalayan ko ang pagkukumpulan nila tungkol sa anila’y panlalalaki ng aking ina.
Hindi na ako nakatiis kaya isinumbong ko na sila kay inay pero natawa lang ito. Dahil inggit lang aniya ang mga matsorang gurang sa kanya. Kahit anong pagpapaganda kasing gawin aniya nila ay hindi na tatalaban ng make up.
Nasa abroad po ang tatay ko para maghanap-buhay. Napag-isip-isip ko po na hindi na nalulungkot si inay kahit nasa malayo si itay. Nagsimula na rin akong mag-usisa. Sapilitan palang nakasal ang aking ina sa aking tatay. Dahil idinaan nito sa bilis ang nanay ko. Tatlong buwan na raw ako sa tiyan ni inay nang ipakasal sila ng aking lolo na chairman ng barangay noon sa aming lugar. Napilitan si inay na kalasan ang noo’y nobyo niya.
Dito na ako nagsimulang manubok sa kilos ni nanay hanggang sa makumpirma ko ang tsismis na may lalaki siya, ang dati niyang nobyo. Kinausap ko si inay tungkol dito at sinabi niya na binabawian lang nila ang tatay ko dahil sa ginawa nito sa kanila noon.
Ayaw kong mawasak ang aming pamilya, Dr. Love kaya inalam ko ang pagkatao ng lalaki at nalaman ko na may sarili itong pamilya. Kinausap ko siya at sinabing kung hindi lalayuan si inay ay magsusumbong ako sa asawa niya. Nangyari ito, Dr. Love.
Kinausap ko rin si nanay na hindi ako magsusumbong kay itay kung magbabago na siya. Napaiyak siya at sinabing sisikapin niya, alang-alang sa akin. Ngayon po masaya na ang aming pamilya at sweet na sila ni tatay. Ayaw na ring pabalikin sa abroad ni inay si itay at pinagtutulungan nila ang mini-grocery namin. Salamat sa tumutugon nating Diyos. Maraming salamat din sa’yo, Dr. Love.
Gumagalang,
Dulce
Dear Dulce,
Hinahangaan kita sa lakas ng iyong loob na ipinaglaban ang inyong pamilya. Masuwerte ang iyong ina, lalo na ang iyong ama sa pagkakaroon ng anak na gaya mo.
Dr. Love