Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Vilma, 24-anyos at tatlong buwan pa lang kasal sa asawa ko.
Nakatira ako sa mga biyenan ko at kapag pumapasok ang aking asawa sa trabaho ay kaming dalawa lang sa bahay ang naiiwan ng biyenan kong lalaki.
Madalas kong mahuling makahulugan ang titig sa akin ng aking biyenan at natatakot ako na baka humantong sa ‘di maganda. Ang biyenan kong babae kasi ay isang OFW sa Saudi.
Second husband lang ng biyenan kong babae ang biyenan kong lalaki kaya bale stepfather lang ng asawa ko. Naiisip ko na baka ganyan na lang ang pagnanasa sa akin dahil hindi naman niya totoong anak ang mister ko.
Natatakot akong magsumbong sa mister ko at baka ako pa ang kagalitan. Ano ang dapat kong gawin?
Vilma
Dear Vilma,
Ang ganyang problema ay hindi itinatago. Kailangan mo talagang sabihin sa asawa mo para mahadlangan ang hindi magandang posibleng mangyari. Aba, kung kakampihan pa niya ang kanyang stepfather, anong klaseng mister siya?
Mas mabuting humiwalay kayo habang maaga. Kahit umupa kayo ng maliit na kuwarto. Ganyan naman talaga ang dapat gawin ng mag-asawa. Humihiwalay sa magulang at nagpupundar ng sariling tahanan. Huwag mo nang hintaying may mangyaring masama. Sabihan mo na ang tungkol dito sa mister mo habang maaga.
Dr. Love