Dear Dr. Love,
Maituturin po akong isang biyuda matapos akong abandunahin ng aking asawa nang hindi niya matanggap ang pagkakaroon namin ng anak na autistic.
Dahil sa nangyari, Dr. Love ayaw nang sundan ni Delfin ang aming anak sa pangamba na may kapansanan din ito paglabas.
Nangibang bansa po ang aking asawa para magtrabaho pero hindi na niya kami binalikan. Divorce papers na lang ang dumating sa akin pagkaraan ng dalawang taon niyang pamamalagi sa US. Sinarili ko na lang ang lahat ng sama ng loob at ibinuhos ang buong pagmamahal sa aming anak na si Mando.
Dr. Love, kahit na may ibang nagpapahiwatig ng pagtatangi sa akin, hindi ko na nagawang tapunan ito ng pansin. Dulot na rin ng pagkadala ko sa kinauwian ng relasyon namin ni Delfin. Naging over protective ako kay Mando, na tinututulan naman ng mga magulang at mga kaibigan ko.
Pinapayuhan nila ako na huwag sanayin ang aking anak na maging komportable lang sa akin dahil ako rin lang daw ang mahihirapan. Sinabi rin nila, na hindi ko dapat baby-hin ang aking anak at kahit pa may kapansanan ito ay sikapin ko pa rin na tratuhin siya bilang normal na bata.
Tama po ba Dr. Love na sikilin ko ang aking sarili sa posibleng ikalawang tawag ng pag-ibig dahil sa malaking pangamba ko sa epekto nito at sa kapakanan ng aking anak?
Hihintayin ko po ang inyong payo. Alam ko po na hindi ninyo ako bibiguin.
Gumagalang,
Dulce
Dear Dulce,
Hindi naman ako nagtataka kung magkaroon ka ng malaking pag-aalinlangan sa pagkakataong buksan muli ang iyong puso para sa iba, dahil sa sinapit ng iyong unang pag-ibig.
Pero hindi naman tama na ikulong mo na lang ang iyong sarili sa nakaraan. Hindi naman nangangahulugan na kung ano ang pait na naranasan mo kay Delfin ay mangyayari rin sa mga susunod pang pakikipag-relasyon mo.
Ang payo ko lang, mas mabuti kung maipapawalang bisa mo muna ang kasal ninyo ni Delfin bago ka pumasok sa pakikipagrelasyon at mas maging matalino ka na, siguruhing wagas ang pagmamahal hindi lamang para sa iyo kundi maging para sa iyong anak dahil package deal na kayong maituturin.
Dr. Love