Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Jimmy, 30 anyos at may asawa. Hindi man ako matatawag na perpekto ay hindi ako iresponsable sa pamilya.
Medyo malaki-laki rin ang kinikita ko sa aking pinapasukan bilang computer engineer pero ang misis ko ay walang malasakit sa aming kabuhayan.
Mabuti na lang at iisa ang aming anak. Halos walang natitira sa aking kinikita kaya sa nakalipas na mga araw ay pinagtataguan ko na siya. Masyado siyang maluho at madalas lumabas kasama ang kanyang mga kabarkada.
Talo pa niya ang isang dalaga. Ano ang dapat kong gawin para maituwid ko ang maling ginagawa ng aking misis?
Jimmy
Dear Jimmy,
Karaniwan, ang misis ang treasurer sa tahanan o tagapag-ingat ng income. Pero kapag ganyan ang ugali ng isang asawang babae ay dapat lalaki na ang mangasiwa ng kabuhayan.
Ibigay mo na lang ‘yung para sa kanya at ikaw ang mag-budget para hindi kayo kinakapos. I-program mo ang mga gastusin para makita niya na ang bawat piso ng kinikita mo ay may mahalagang pinupuntahan gaya ng pa-aaral ng inyong anak, pagkain, damit, ba yad sa ilaw at kuryente at iba pa.
Mag-usap kayong dalawa dahil sa ano mang relasyon ng mag-asawa ay sensitibong isyu ang pera. Madalas pinag-aawayan iyan.
Pero kung madadaan mo sa hinahon at ipaliwanag nang maigi sa kanya na kailangang isipin ninyo ang bukas, naniniwala akong mauunawaan niya. Pagsabihan mo rin siyang bawasan ang pakikibarkada.
Dr. Love