DOH naghahabol sa pagbakuna sa higit 100K sanggol
MANILA, Philippines — Naghahabol ngayon ang Department of Health (DOH) sa pagbabakuna sa higit 100,000 sanggol sa bansa na hindi pa nakatatanggap ng vaccine laban sa mga sakit tulad ng polio at tigdas.
Kahapon, inilunsad ng DOH-Metro Manila Center for Health Development ang Vax-Baby-Vax Routine Catch-up Immunization Campaign sa Lakeshore Hall, sa Taguig City, na layon na makahabol sila sa bakuna ng mga sanggol na nangyari umano dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng kakulangan sa suplay ng bakuna at mga restriksyon dahil sa COVID-19.
Nabatid na nasa 137,048 sanggol na edad 0-23 buwang gulang ang hindi pa nakatatanggap ng bakuna laban sa mga tinatawag na Vaccine-Preventable Diseases (VPDs) tulad ng polio, tigdas, beke, rubella, diphtheria, at hepatitis B.
Target din umano ng kampanya na mapataas ang kaalaman at pagkamulat ng mga pamilya ukol sa pagiging ligtas at mabisa ng mga bakuna at mabago ang pagtingin nila ukol dito.
Inaasahan na lilibot ang DOH sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa 10-araw na intensibong kampanya sa pagbabakuna.
- Latest