VP Sara binalaan si Duterte: ‘Magiging Ninoy ka ‘pag umuwi ng Pinas’

MANILA, Philippines — Binalaan umano ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte na maaaring magaya sa naging kapalaran ni dating senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. kung pipilitin pa rin nitong umuwi sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ni VP Sara sa kanilang mga tagasuporta sa kanyang pagdalo sa isang meet-and-greet event sa The Hague, Netherlands kamakalawa.
Ayon kay VP Sara, sa tuwing binibisita niya ang ama sa detention center ng ICC ay lagi nitong itinatanong sa kanya kung kailan siya makakauwi sa Pilipinas.
Anang bise presidente, gustung-gusto ng dating pangulo na umuwi na ng bansa upang makapangampanya sa pagka-alkalde ng Davao City sa darating na halalan sa Mayo 12.
Gayunman, binalaan umano niya ito na maaaring ang kanyang pag-uwi ang maging katapusan ng kanyang buhay at maging ‘Ninoy Aquino Jr.’ siya.
“Yun ang gusto niya, gusto niyang umuwi. Sinabi ko din sa kaniya ‘yun, ‘Pa, sabi ko, ‘yung kagustuhan mo na umuwi, iyan din ‘yung katapusan ng buhay mo, magiging Ninoy Aquino Jr. ka’,” pahayag pa ni VP Sara.
Dagdag pa niya, “At sinabi niya sa akin, sabi niya, ‘Kung ganiyan ang kapalaran ko, then so be it. Basta lang mauwi ako sa Pilipinas’.”
Matatandaang si Ninoy, na asawa ni dating pangulong Corazon Aquino ay binaril at napatay noong Agosto 1983 sa tarmac ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Si Aquino, na noon ay isang senador ay kilala bilang kritiko ng ama ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na si dating Pangulong Ferdinand ‘Makoy’ Marcos Sr..
Samantala, inamin ng bise presidente na nag-aalala siya sa kaligtasan at seguridad ng ama, na kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC sa The Hague dahil sa kinakaharap na crimes against humanity.
- Latest