Abalos, suportado ni Drilon, mga lokal na lider at kabataang botante para sa Senado
MANILA, Philippines — Suportado ni dating Senate President Franklin Drilon at League of Cities of the Philippines ang kandidatura sa pagka-senador ng dating Interior Secretary at Mayor ng Mandaluyong na si Benjamin “Benhur” Abalos Jr.
Kumpiyansa si Drilon na magiging mahalaga si Abalos sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno at magdadala ng karagdagang kaunlaran hindi lamang sa Lungsod ng Iloilo kundi pati na rin sa buong rehiyon ng Western Visayas.
Hinimok ni Drilon ang mga botante na suportahan si Abalos, binibigyang-diin ang kanyang kakayahang makapag-ambag sa pag-unlad ng bansa. Nagpahayag naman ng pasasalamat si Abalos sa pag-endorso at paggabay ni Drilon sa pulitika at serbisyo publiko.
Pormal ding inendorso ng League of Cities of the Philippines (LCP) ang senatorial bid ni Abalos, na kinikilala ang kanyang adbokasiya para sa disaster preparedness, urban development, at government transparency.
Itinampok ng liga ang mga pagsisikap ni Abalos sa pagpapalakas ng kahusayan ng lokal na pamahalaan hindi lamang sa Mandaluyong City kundi sa buong bansa.
Malakas na suporta rin ang natamo ni Abalos sa sektor ng kabataan base sa survey ng Center for Student Initiatives (CSI) na nagpakita na kabilang si Abalos sa nangungunang 12 kandidato na pinapaboran ng mga kabataang botante.
- Latest