Sara: Pag-aresto kay Duterte, para wasakin oposisyon

MANILA, Philippines — Ang pagwasak sa oposisyon ang totoong dahilan kung bakit nakakulong ngayon sa The Hague si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa anak nitong si Vice President Sara Duterte.
Nanindigan si Duterte na ilegal ang pag-aresto sa kaniyang ama at ginawa iyon para sirain ang mga kalaban sa pulitika ng administrasyon.
“Alam naman natin lahat, at alam nila na mali ang ginawa nila. Ginawa nila iyon just to demolish political opponents. This is all about politics. The administration is using government resources, the ICC, to demolish the opposition” pahayag ni Duterte sa pagdinig ng Senate foreign affairs committee nitong Huwebes sa pamamagitan ng video conferencing.
Ang tanong aniya ngayon ay kung papaano maibabalik sa bansa ang dating Pangulo.
“Wala na tayong argument. Mali ang ginawa. Ang tanong ngayon, ano ang gagawin natin para maibalik ang dating Pangulo sa Pilipinas? Kasi, nag-iisa ako ngayon dito na gumagawa ng paraan para maibalik ang ating dating Pangulo sa ating bayan,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng bise presidente na walang red notice na natanggap ang pamahalaan, at ang arrest warrant ng Interpol ay binigay sa Philippine National Police (PNP) na ipinatupad naman diretso sa akusado at hindi dinala sa isang korte sa Pilipinas.
“Nasaan po ang warrant of arrest na inisyu ng Hukuman ng Pilipinas? Wala. Without a valid warrant from a Philippine court, this was at best a warrantless arrest. Under the rules of court, warrantless arrests are only permitted in three instances, in flagrante delicto, hot pursuit, and escaped prisoner,” dagdag ni Duterte.
- Latest