DOJ idinepensa pagsuko kay Duterte sa ICC

MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes ang papel ng gobyerno ng Pilipinas sa ginawang pagsuko kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ipinaliwanag ni Remulla na isinagawa ang hakbang sa pamamagitan ng international law enforcement mechanisms at hindi sa pamamagitan ng direktang pakikipagtulungan sa tribunal.
Humarap si Remulla sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos kaugnay sa ginawang pag-aresto kay Duterte.
Itinanggi ni Remulla na tinulungan ng gobyerno ang ICC na kusa aniyang nagsagawa ng kanilang imbestigasyon.
Sinuportahan ni Defense Sec Gilberto Teodoro ang pahayag ni Remulla at iginiit na walang ahensya sa ilalim ng DND ang nakipagtulungan sa ICC.
Maging si National Security Adviser of the Philippines Eduardo Año ay itinanggi ang anumang pakikipag-ugnayan sa ICC. “Hindi namin tinulungan ang ICC sa kanilang imbestigasyon,” ani Año.
Kinuwestiyon naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada si Remulla kung bakit sumunod ang gobyerno sa warrant ng ICC sa kabila ng opisyal na pag-alis ng Pilipinas sa tribunal noong 2019.
Ipinaliwanag ni Remulla na hindi isinuko ng gobyerno si Duterte sa ICC bilang isang estado bagkus ay sumunod sa international law enforcement protocols sa pamamagitan ng Interpol.
“Nag-surrender kami ng isang indibidwal sa ICC na subject ng warrant of arrest. Iyon ang ginawa namin,” ani Remulla.
Anya, hindi sila yumuko sa ICC bilang isang bansa, ngunit isinuko si Duterte dahil sa warrant of arrest na inisyu ng ICC, sa pamamagitan ng Interpol.
- Latest