NTF-ELCAC binatikos pamumulitika ng Gabriela

MANILA, Philippines — Binatikos ng National Task Force to End Local Communist Armed ­Conflict (NTF-ELCAC) ang lantarang paggamit ni Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas, at samantalahin nito ang sitwasyon ng paglabas ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating ­pangulong ­Rodrigo Duterte.

Pahayag ng task force, pinangalandakan ni Brosas at pinipilit na idinidikit ang NTF-ELCAC kay Duterte upang magulo ang usapin.

Sinabi ni Undersecretary Ernesto Torres Jr. Executive Director ng NTF-ELCAC na ang mga ‘patutsada’ ni Brosas na dapat nang binubuwag ang task force ay ­malinaw na pagsasawalang bahala nito sa insureksiyon na gawa ng kanyang mga kaalyadong mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.

Pagdidiin ni Torres, samantalang totoo, na ang NTF-ELCAC ay naitatag dahil sa Executive Order No. 70 noong panahon ni Pangulong Duterte, ang mandato nito ay puksain ang panggugulo ng CPP-NPA-NDF sa pamamagitan ng ‘whole-of-nation approach’.

Ani Torres, kung ididikit ni Brosas ang task force sa kanyang pamumulitika, iniinsulto nito ang mga ‘stakeholders’ na nagtutulong-tulong sa adhikain nito, lalo na at pinamumunuan ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang Chairman.

Show comments