Gamot ni Duterte hindi ibinibigay - Bong Go
MANILA, Philippines — Hindi umano ibinibigay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kinakailangan niyang gamot habang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ginawa ni Senador Bong Go ang pahayag sa prayer rally na “Bring Him Home: A Prayer for Tatay Digong” ng PDP-Laban sa Liwasang Bonifacio nitong Sabado, Marso 15.
Ayon kay Go, ang update tungkol kay Duterte ay nakuha niya mula kay dating Executive Secretary Salvador Medialdea, isa sa tumayong legal counsel ni Duterte.
“Ikuwento ko lang sa inyo ‘yong huli kong balita kay Tatay Digong…Alam n’yo nakausap ko kaninang madaling araw si Atty. Medialdea pagkatapos ng hearing nila saka si Ma’am Honeylet, “ ani Go.
Ipinaliwanag ni Go na kaya mabagal magsalita ang dating pangulo sa pre-trial hearing ng ICC ay dahil posibleng nag- a-adjust pa ito sa oras at ang isa pang dahilan ay ang hindi pagbibigay ng kaniyang gamot.
Sinabi pa ni Go na sa nakaraang apat na buwan ay kasama siyang magpa check-up ni Duterte sa ospital kung saan ito ay nagpapa-drip para humaba ang buhay. Naka-schedule aniyang magpa-drip si Duterte noong Marso 12 na hindi naibigay sa kanya.
Hindi naman aniya maaaring tumakas ang dating Pangulo dahil mabagal na itong maglakad at kailangan na ring gumamit ng tungkod.
Noong Biyernes, Marso 14, humarap si Duterte sa ICC para sa Pre-Trial hearing sa pamamagitan ng video link.
- Latest