Bong Go No. 1 sa MBC-DZRH senatorial survey
MANILA, Philippines — Muling nanguna si Senator Christopher “Bong” Go sa pinakabagong pre-election survey para sa 2025 senatorial race.
Ayon sa survey ng MBC-DZRH na isinagawa mula Marso 8 hanggang 10, nakuha ni Go ang unang puwesto na lalong nagpatibay sa kanyang posisyon bilang frontrunner sa darating na halalan.
Nagpahayag ng lubos na pasasalamat si Go sa mga Pilipino sa kanilang patuloy na pagtitiwala at suporta sa kanya, bagama’t malungkot siya sa nangyaring “pagkidnap ng gobyerno” kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para isuko sa International Criminal Court (ICC) sa Hague, Netherlands.
Sa kabila nito, tiniyak ni Go sa publiko na mananatili siyang nakapokus sa kanyang mandato sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa mga batas at programa na direktang makatutulong sa ordinaryong Pilipino, lalo sa mga mahihirap.
Binigyang-diin ni Go na ang tiwala at suporta ng taumbayan ang patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kanya upang maglingkod nang may sukdulang integridad at malasakit.
Bukod sa pangunguna sa MBC-DZRH survey, si Go ang nanguna sa pinakabagong Pulse Asia senatorial survey na isinagawa mula Pebrero 20-26 na may 58.1% voter preference.
- Latest