‘Wag din kalimutan mga biktima ng drug war - Palasyo

MANILA, Philippines — Sa halip na purihin ang akusado, hindi dapat kalimutan ng mga Filipino ang mga biktima at napatay sa madugong kampanya kontra droga ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang paalala ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos ang pagharap ng dating presidente sa ICC.
“Siguro po pag-usapan din po natin ‘yung mga’y diumano’y biktima. Hindi dapat puro sa kanila (accused) nakatuon ang atensiyon ng tao,” ayon pa kay Castro.
Dagdag pa niya, sa ngayon ay hindi napapansin ang naranasan ng mga biktima at ano ang naranasan ng mga pamilyang naiwan ng kanilang mga kamag-anak na umano ay biktima ng EJK o extrajudicial killings.
Tila nakalimutan na rin aniya ng publiko ang mga napatay sa war on drugs dahil sa kasalukuyan ay nakatutok lang ang diskusyon sa suspek na siyang naakusahan na parang nago-glorify pa.
Nanawagan din si Castro sa taong bayan na buksan ang kanilang isip at tingnan din kung ano ang naramdaman ng mga tao, ng pamilya na naging biktima ng EJK.
Itinanggi rin ng Palasyo na demolition job ang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay Duterte at sinabing ang kaso ay sinampa kay Duterte ilang taon na ang nakakaraan.
- Latest