Duterte humarap na sa ICC

MANILA, Philippines — Humarap na kahapon sa inisyal na pagdinig si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Dakong alas-2 ng hapon, oras sa The Netherlands (alas-9 ng gabi sa Manila), itinakda ang initial appearance ni Duterte sa ICC.
Ang pagdinig ay pinangunahan ng tatlong babaeng judges na siyang nag-isyu ng arrest warrant kay Duterte na sina Judge Lulia Antoanella Motoc, Reine Adilaide Sophie Alapini-Gansou at Maria del Socorro Flores Liera.
Base sa article 60 ng Rome Statute ng ICC rules, ang isang tao na may warrant of arrest sa ilalim ng Article 58 ay dapat humarap sa Pre-trial Chamber at babasahan ng krimen na kanyang kinasasangkutan.
Nakasaad pa sa rules na para masiguro ang fair proceedings, ang lahat ng initial apperances sa Pre-trial ay dapat isapubliko.
Samantala, iginiit naman ng legal team ng dating pangulo na isusulong nila ang pansamantalang paglaya nito mula sa kulungan ng ICC dahil naniniwala sila na walang dahilan para ikulong si Duterte.
Bukod dito, kukuwestyunin din ng legal team ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
Kabilang naman sa legal team ng dating pangulo sina dating Labor secretary Silvestre Bello III, mga abogado na sina Martin Delgra, Israelito Torreon, Vic Rodriguez, Fred Lim, dating BIR commissioner Cesar Dulay at dating executive secretary Salvador Medialdea.
Samantala, tiniyak ng embahada ng Pilipinas sa The Netherlands na nasa maayos na kalagayan si Duterte. Ito ay matapos na sumailalim sa medical check up si Duterte habang nasa Hague Penitentiary Institution o Scheveningen Prison sa nasabing bansa.
Gumawa na rin ng request ang Philippine Embassy sa Registry of the ICC para ayusin ang “Consular Visit” kay Duterte sa lalong madaling panahon lalo pa at hiniling ng dating lider na mabisita ng kanyang legal counsel at pamilya.
- Latest