VP Sara ‘di espesyal para sa special session - Chiz
MANILA, Philippines — Hindi espesyal si Vice President Sara Duterte at hindi naiiba sa mga impeachable officials para magsagawa ng special session ang Senado para sa kanyang paglilitis, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Ayon kay Escudero, hindi espesyal ang posisyon ng Vice President maging ng Chief Justice o Ombudsman kaya walang dahilan para madaliin ang impeachment trial ng bise presidente.
“Hindi espesyal si Vice President Sara Duterte. Hindi espesyal ang posisyon ng Vice President para ‘yung sa kanya madaliin namin, sa Chief Justice hindi, sa Ombudsman hindi. Pare-pareho lamang silang impeachable officers na sa ilalim ng Konstitusyon ay dapat tratuhin din ng pare-parehas—walang labis, walang kulang, walang nakakalamang, walang naaapi,” ani Escudero.
Nauna rito, tiniyak ni Escudero na walang magaganap na impeachment trial habang naka-recess ang Kongreso.
Sinabi rin ni Escudero na hindi nagpapahayag ng intensiyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatawag ng isang special session para sa paglilitis ni Duterte.
Nilinaw din ni Escudero na wala siyang natatanggap ng requests mula sa mga nagsulong ng impeachment ni Duterte pero a-attend sila kapag nagpatawag ng special session.
“Wala po. Pero siyempre ‘pag nagpatawag ang Pangulo, anong gagawin namin? Eh ‘di kailangan namin mag-attend,” ani Escudero sa Super Radyo dzBB.
Matatandaan na isinumite ng House ang berepikadong Articles of Impeachment sa huling araw ng sesyon kaya hindi nadala sa plenaryo ng Senado.
- Latest