MANILA, Philippines — “Sasapakin daw ako ng isang Senador, sa China mo gamitin ang tapang mo!”
Ito ang mariing buwelta ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos siyang pagbantaan ng huli na sasapakin umano para magpantay ang mukhang ngiwi.
“Ang tapang naman ni Kuya (Bato), sana ganyan din siya katapang laban sa China sa West Philippine Sea (WPS) at sa pagharap sa International Criminal Court (ICC),” ani Cendaña.
“O baka naman iiyak na naman siya ng crocodile tears at kakaripas ng takbo, gaya ng pagtakbo niya noon sa hawak na paputok,” parunggit pa ng solon.
Ang pagbabanta ni Bato ay kasunod ng pagbatikos ni Cendaña laban kay Vice President Sara Duterte na nahaharap sa isyu ng impeachment.
Kaugnay nito, pinahihingi ni Cendaña ng public apology si Dela Rosa sa kaniya at maging sa organisasyon ng Epilepsy Awareness Philippines.
Iginiit ni Cendaña na kaya ngiwi ang kaniyang kabilang mukha ay isa siyang ‘stroke survivor’ at hindi aniya dapat hamakin ang kaniyang kondisyon na sa kabila nito ay patuloy ang serbisyo publiko.
“(Senator) Dela Rosa must issue an immediate and unequivocal public apology. His words were not just offensive, they were demeaning and harmful. If he has even a shred of decency, he must take full responsibility, apologize directly to Rep. Perci and the broader disability community, and commit to learning from his mistake,” punto ng solon.
Aniya, ang pag-atake laban sa kaniya ni Bato ay hindi lamang basta malupit kundi isa itong insulto sa dignidad ng isang taong may kondisyon sa kalusugan.
“We call on the Senate and its members to hold Dela Rosa accountable. Our lawmakers must champion, not ridicule, the rights and dignity of all Filipinos—especially those living with disabilities”, ang sabi pa ni Cendaña.