MANILA, Philippines — Tiniyak ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na haharapin ng may buong tapang ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang ipinahayag ni Escudero sa kanyang pagdalo sa Vision Casting 2025 ng Jesus is Lord Church na ginanap sa Pasay City.
Sinabi ni Escudero na hindi nila trabaho na i-convict o io-acquit si Duterte kundi ang trabaho nila ay tiyakin na mabibigyan ng hustisya ang Bise Presidente.
Trabaho rin aniya ng Senado na siguruhin na magiging credible at kapani-paniwala at paniniwalaan ng sambayan ang proseso ng impeachment dahil nakasaad ito sa Saligang Batas.
Giit pa ni Escudero na hindi dapat katakutan ang proseso ng impeachment dahil itinalaga ang proseso na ang tanging layunin ay papanagutin ang mga opisyal.
Kaya marapat lang aniya na maumpisahan na ang nasabing proseso at matapos na hindi minamadali, matapos nang walang labis na pagpapaliban.
Iginiit ni Escudero na gagampanan nila at gagawin ang trabaho na naayon sa batas at kinikilalang saligang batas.
“Ako po ay walang takot sa mga ganitong uri ng hamon dahil ako’y naniniwala na “God is always in control,” giit pa ng Senate President.