MANILA, Philippines — Makikipagpulong si Cambodian Prime Minister Hun Manet kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa susunod na linggo.
Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na sa Martes, Pebrero 11 ay makikipagkita ang Pangulo kay Manet.
Layon ng pagpupulong na pahusayin ang ugnayan ng dalawang bansa.
Ayon sa PCO, magkakaroon ng bilateral meeting ang dalawang lider para talakayin ang pagpapalakas ng kooperasyon sa paglaban sa mga transnational crime, defense, kalakalan at turismo.
Pag-uusapan din nina Marcos at Manet ang tungkol sa kooperasyong panrehiyon at multilateral meeting.
Dagdag pa ng PCO, ito ang kauna-unahang opisyal na pagbisita ni Hun Manet sa Pilipinas at mananatili siya sa bansa mula Pebrero 10 hanggang 11.
Sa kasalukuyan, mahigit sa 7,000 Filipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Cambodia.