Trial vs VP Sara sa ­Hunyo pa - Escudero

Senate President Francis “Chiz” Escudero leads a consultative meeting on January 7, 2025.
Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na walang magaganap na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte habang naka-session break ang Senado.

Ginawa ni Escudero ang pahayag matapos hindi ma-refer sa plenaryo ang Articles of Impeachment na ipinadala ng House of Representatives ­kamakalawa ng hapon, ang huling araw ng sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ni Escudero na sa June 2 pa kung kailan magbabalik ang sesyon saka pormal na masisimulan ang pagtalakay ng Articles of Impeachment.

Sa ngayon aniya ay hindi pa opisyal na naiihain sa plenaryo ang AI dahil wala ng oras upang gawin ito kamakalawa.

Sinabi rin ni Escudero na walang dahilan para magmadali ang mga senador na umupo sa impeachment court lalo pa’t ipinadala naman ang AI halos ilang oras na lang bago mag-adjourn ang sesyon.

Ipinunto rin ni Escudero na dalawang buwan na inupuan, pinag-aralan at binasa ng mga mambabatas ang impeachment complaint laban kay Duterte at hindi naman tama na ang Senado ang magmadali sa huling araw ng sesyon dahil nasa agenda na nila ang pagtalakay sa mga mahahalagang panukalang batas.

“Para mag-convene ang impeachment court, kailangan may sesyon ang Senado. Para manumpa ang impeachment judges, kailangan may sesyon ang Senado. Bagaman ang trial, pwedeng mag-proceed kahit na recess tulad ng nangyari kay dati at yumaong Chief Justice Corona, dapat ito’y masimulan, ma-convene at mapanumpa ang mga judges pagka may sesyon. So, kung may mangyayari mang aksyon o kaganapan kaugnay ito, iyan ay mangyayari sa June 2 pag-resume ng Senado matapos ang eleksyon at pasya iyan ng mayorya kung aamyendahan ba ang rules, anong ilalagay a rules,” ani Escudero.

Show comments