Bagong BFAR chief, oks kay Yamsuan

Elizer Salilig
STAR/File

MANILA, Philippines — Kumpiyansa si Rep. Brian Raymund Yamsuan na paiigtingin ng bagong talagang national director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mahigpit na pagtutok ng ahensya sa kapakanan ng maliliit na mangingisda at sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.

Ayon kay Yamsuan, chairman ng House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources, nakikita niya kay BFAR Director Elizer Salilig ang tunay na malasakit at ­dedikasyon sa pagtulong sa mahigit dalawang milyong maliliit na ­mangingisdang matagal nang naipit sa gulong ng kahirapan.

“Tinatanggap natin ang pagtatalaga ng Mr. Elizer Salilig bilang bagong national director ng BFAR. Ang kanyang malawak na kaalaman at karanasan, lalo na sa pagpapabuti ng kalagayan ng mahihirap na fishing communities, ay nagbibigay sa atin ng katiyakan na sa kanyang pamumuno, mapapalawak at mapapalakas ang mga programa ng BFAR upang suportahan ang ating mga mangingisda at mapatatag ang seguridad sa pagkain ng bansa,” ani Yamsuan.

Nagtungo sina Salilig at ilang ­pangunahing opisyal ng BFAR kay Yamsuan para sa isang courtesy call noong Pebrero 5, 2025.

Base sa track record, itinuturing ng maliliit na mangingisda na kakampi si Salilig, isang career government official na umangat sa ranggo at matagal nang nagsusulong ng mga programang tumutulong sa municipal fishing communities.

Naniniwala si Yamsuan na sa ilalim ng pamumuno ni Salilig, mas mapapalakas ng BFAR ang pagbibigay ng mga kinakailangang kagamitan at kaalaman sa maliliit na mangingisda upang mapaunlad ang kanilang buhay.

Show comments