2 konsehal itinalagang mayor, vice mayor ng Urdaneta City – DILG
MANILA, Philippines — Ipinag-utos na ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang pagtatalaga sa unang konsehal ng Urdaneta City na si City Councilor Franco del Prado bilang OIC Mayor ng Urdaneta City at ang ikalawang konsehal ng lungsod si Councilor Warren Andrada bilang OIC Vice Mayor ng Urdaneta City.
Sinabi ni Secretary Remulla na dapat agad sundin ng nabanggit na mga halal na konsehal ang Rules on Succession sa ilalim ng Local Government Code para punan ang nabakanteng mga posisyon nang suspendidong Urdaneta City Mayor Julio “Rammy” Parayno at Vice Mayor Jimmy Parayno
Sinasabing maaaring makasuhan ng administratibo sina Franco at Andrada kung hindi susundin ng mga ito ang Rules of Succession alinsunod sa Local Government Code.
Ang magpinsang Parayno ay sinuspinde ng tig-isang taon ng Malakanyang noong January 3 dahil sa kasong grave misconduct at grave abuse of authority nang umano’y illegal na tanggalin ng mga ito sa puwesto bilang Presidente ng Liga ng mga Barangay si Punong Barangay Michael Brian Perez noong 2022.
Una nang sinabi ni Atty. Romeo Benetiz, Undersecretary for External Legal and Legislative Affairs ng DILG na noong January 7 ay naisilbi na ng DILG Region 1 ang one year suspension order sa mga Parayno.
- Latest