Bong Go lang ‘sakalam’!
Ika-3-4 sa latest SWS senatorial survey
MANILA, Philippines — Nananatiling matibay at malakas ang katayuan ni Senator Christopher “Bong” Go sa hanay ng mga contender sa 2025 senatorial race matapos siyang mailagay sa ika-3 hanggang ika-4 sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas noong Enero 28.
Lubos na pinasalamatan ni Senator Go ang sambayanang Pilipino sa patuloy na pagtitiwala at suporta sa kanya kaya naman nangako siyang patuloy ding itutuon ang sarili sa pagtupad sa kanyang mandato na paglingkuran ang taongbayan sa abot ng kanyang makakaya.
“Para sa akin, ang pinakamahalaga ay mapaglingkuran ko nang tapat ang ating mga kababayan. Ang inyong tiwala at suporta ay nagbibigay sa akin ng inspirasyon na ipagpatuloy ang aking serbisyo sa abot ng aking makakaya,” sabi ni Senator Go.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019, na nag-institutionalize sa Malasakit Centers sa buong bansa.
Itinulak din niya ang pagtatayo ng maraming Super Health Center sa buong bansa.
Kamakailan, itinaguyod din ni Go ang mga reporma sa PhilHealth sa pamamagitan ng pagsusulong ng expanded benefit packages sa top ten mortality diseases.
Muli ring pinagtibay ni Go ang kanyang pangako sa pagpapalakas ng agrikultura, trabaho, pabahay, edukasyon, kabataan at palakasan.
- Latest