MANILA, Philippines — Handa ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tulungan ang mga Filipino deportees mula Amerika.
Sa ambush interview kay DOLE Secretary Beinvenido Laguesma sa jobs fair sa Pasay City, sinabi nito na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin na maabutan ng ayuda ang mga deportees.
“Ang Department of Labor and Employment, batay sa tagubilin ng Pangulo, aalalay, susuporta para makatulong doon sa mga posibleng madeport,” ayon kay Laguesma.
Matatandaan na inutos ni US President Donald Trump na magsagawa ng crackdown sa illegal immigration.
Nasa 24 Filipino na ang ipinatapon pabalik ng Pilipinas habang 80 pa ang nasa deportation process.
Inihalimbawa ni Laguesma ang pagtulong na ginawa ng gobyerno sa 200,000 undocumented Pinoys sa Malaysia.
Bukod sa DOLE, nakahanda rin aniyang tumulong sa mga deportees ang Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Foreign Affairs (DFA).