MANILA, Philippines — Lusot na sa ikalawang pagbasa ang panukalang palawigin ang termino ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) mula tatlo hanggang anim na taon.
Ang House Bill (HB) 1127 ay mayroon ding probisyon na nagpapahintulot sa mga halal na opisyal noong Oktubre 30, 2023 na manatili sa kanilang mga posisyon hanggang Mayo 2029 puwera na lamang kung ang mga ito ay matatanggal o masususpinde sakaling masangkot sa irregularidad.
Sakaling mapagtibay bilang batas, pagsasabayin ang pagdaraos ng BSKE (Barangay and Sangguniang Kabataan Elections) tuwing anim na taon umpisa sa Mayo 2029.
Samantalang nililimitahan nito ang dalawang magkakasunod na termino ang mga opisyal ng Barangay habang ang mga opisyal ng SK ay maaari lamang maglingkod ng isang termino.
Ang nasabing panukala ay iniakda ng 48 mambabatas kabilang si Speaker Martin Romualdez na target na maipasa sa ikatlo at huling pagbasa bago ang adjournment ng sesyon sa Pebrero 7 upang bigyang daan ang kampanya para sa halalan sa Mayo 2025.
Nabatid na inaprubahan na ng Senado ang bersiyon ng panukala na nagtatakda ng apat na taong termino para sa Barangay at SK officials.
Sa oras na mapagtibay ng Kamara ang HB 1127 ay bubuo ng Bicameral Conference Committee upang pag-isahin ang magkasalungat na bersyon ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Magugunita na noong 2020 ay ipinagpaliban ang pagdaraos ng BSKE na dapat sanang ginanap noong Oktubre 2023 matapos na lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na muling pagpapaliban sa eleksiyon noong Mayo 2023 na naglalayong makatipid ng pondo.