General sa P6.7 bilyong shabu sumibat na ng Pinas — PNP
MANILA, Philippines — Nakalabas na ng bansa ang isa sa dalawang police general na sangkot sa 990 kilo ng shabu na may halagang P6.7 bilyon.
Ito naman ang kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng raid noong Oktubre 2022 sa Maynila.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director at Concurrent PNP Spokesperson, Police Brigadier General Jean Fajardo, Enero 8 pa nakalabas ng bansa ang hindi pinangalanang general.
Sa kasalukuyan, siyam na pulis na sangkot sa kaso ang nananatiling at large kung saan apat ang aktibo, tatlo ang retirado, isa ang nag-resign at isa ang dismissed.
Habang nasa 20 ang nakakulong kung saan 10 sa mga ito ay hawak ng arresting units, siyam ang nasa PNP Custodial Center, at isa ang nasa Manila City Jail.
Ayon kay Fajardo, hinihintay na lamang ng PNP ang prosekusyon na humiling ng hold departure order laban sa iba pang mga pulis na at large, upang hindi makalabas ng bansa.
Tiniyak ni Fajardo na nakatutok sila sa kaso alinsunod na rin sa kautusan ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil lalo pa’t nakakaapekto ito sa imahe ng PNP.
- Latest