MANILA, Philippines — Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na gumamit ang Chinese Coast Guard (CCG) vessel ng long range acoustic device (LRAD) upang i-harass sila sa Zambales coast sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa PCG, ito ang kauna-unahang pagkakataon na ang CCG-3103, na siyang pumalit sa CCG-3304 sa ilegal na pagpapatrulya sa naturang lugar, ay gumamit ng LRAD laban sa BRP Cabra ng PCG, na siya namang nagbabantay sa coastline ng Zambales.
Nabatid na ang LRAD ay isang device na naglalabas ng matinding ingay na masakit at maaaring makasira ng pandinig.
Sinabi pa ng PCG na ang CCG-3103 ay tila ineskortan ng CCG-5901, o ng monster ship ng China.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, sa ngayon ang CCG ay naitaboy sa pagitan ng 90 at 95 nautical miles mula sa dalampasigan ng Zambales, ngunit sakop pa ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ipinaliwanag din niya na ang dahilan nang pagde-deploy nila ng barko ay upang tiyakin na hindi lalala ang tensiyon. Patuloy rin aniya sila sa pagsasagawa ng hourly radio challenge sa CCG.
Dagdag pa ni Tarriela, nais ng PCG na ma-internalize ng CCG ang mensahe na sila ay ilegal na naglalayag sa EEZ ng Pilipinas.