MANILA, Philippines — Pinuri ni Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino ang isang matapat na taxi driver sa Iloilo matapos mag-viral ang ginawa niyang pagsasauli ng bag na naglalaman ng P2.4 milyong cash sa kanyang pasahero na nakaiwan nito sa ipinapasadang taxi.
“Pinili niyang gawin ang tama, kahit na ang pera ay maaaring makatulong sa kanya at sa kanyang pamilya,” sabi ni Tolentino matapos makapanayam si Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa regular niyang programa sa radyo na “Usapang TOL”.
Bilang tugon, ibinahagi ni Treñas na pinagkalooban ng lokal na pamahalaan ang driver na si Anthony Aguirre ng insentibong pinansyal bukod sa pagkilala sa kanya bilang isang honorary resident.
“Siya ay mula sa kalapit na bayan ng Pavia, ngunit siya ay nagtatrabaho sa Iloilo City, at ngayon siya ay naging isa na sa aming mga ambassador,” ani Treñas.
Binanggit ni Tolentino na ang mga kapuri-puring asal ng mga ordinaryong mamamayan, tulad ng ginawa ni Aguirre, ay nakatutulong sa pagpapataas ng reputasyon ng lungsod bilang isang ligtas na komunidad na binubuo ng mga tapat at masisipag na tao.