MANILA, Philippines — Kinuwestyon ni Senator Christopher “Bong” Go sa pagdinig ng Senate committee on health ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa kakulangan ng mga tauhan nito na dapat ay nakatalaga sa mga Malasakit Center.
Ang PCSO ay isa sa mga ahensiya na may mahalagang papel sa ilalim ng Malasakit Centers Act.
Tinalakay sa pagdinig ang mga kritikal na puwang sa paghahatid ng tulong medikal, mga hamon sa accessibility, at mga mungkahing solusyon upang mapabuti ang mga serbisyo para sa mahihirap na pasyente.
Sa pagtalakay, ikinabahala ni Go ang ulat na limitadong presensya ng mga kinatawan ng PCSO sa Malasakit Centers sa buong bansa.
“I got a report that the Department of Social Welfare and Development (DSWD) has 162 representatives out of 166 Malasakit Centers, and then PCSO only has 40 representatives. Ano ba’ng hakbang na ginagawa n’yo para masolusyunan po ito? At paano kayo makapagbibigay ng tulong sa mga Malasakit Centers?” kuwestyon ni Sen. Go.
Ipinunto niya na ang PCSO na kumikita ng napakalaki ay may kakayahang pinansyal na tugunan ang mga puwang na ito.
“Sobra-sobra po ‘yung pondo n’yo. Halos linggo-linggo kayo nagpapapanalo sa lotto. So, ibig sabihin, sobra talaga ‘yung pondo n’yo. Bigyan n’yo naman ‘yung mga pasyente, ang mga mahihirap nating kababayan. ‘Yon naman po ang mandato n’yo, at meron kayong mga programa na financial assistance, medical assistance na itinutulong dapat sa mga kababayan natin.”