MANILA, Philippines — Kailangang basahin muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong bersyon ng Adolescent Pregnancy Prevention Bill na isinusulong ni Sen. Risa Hontiveros.
Ito ang sagot ng Pangulo matapos tanungin kung mababago ang kanyang pananaw sa nasabing panukala.
“I need to read the substitute bill first,” ayon kay Marcos.
Nitong nakaraang linggo ay ginarantiyahan ng Pangulo na agad niyang ibe-veto ang Senate Bill 1979 o Adolescent Pregnancy Prevention Bill kung hindi babaguhin ang kasalukuyang porma.
Matapos nito ay pitong senador na ang umurong sa pagsuporta sa Senate Bill 1979.
Sinabi naman ni Hontiveros, na tinanggal na niya ang probisyon na Comprehensive Sexual Education na nakaangkla sa international standards.
Sa ilalim ng bagong panukala, lilimitahan na ni Hontiveros ang mandatory CSE sa adolescents sa edad 10 taong gulang pataas.