Pasya ng Kamara na itigil pagtalakay sa panukalang bawasan buwis sa sigarilyo, pinuri

Stock image of a cigarette

MANILA, Philippines — Pinuri ng Sin Tax Coalition ang Kamara sa desisyon nitong itigil na ang pagtalakay sa House Bill 11279 na naglalayong bawasan ang buwis sa sigarilyo at alak dahil pagsabotahe lamang umano ito sa umiiral na Sin Tax Reform Law.

Ipinatungkol ng Coalition ang kanilang papuri at pasasalamat kina Speaker Martin Romualdez at House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda at Reps. Stella Quimbo at Ray Florence Reyes na ayon sa grupo ay sadyang marunong makinig sa boses at opinyon ng publiko.

Ang Sin Tax Coalition ay binubuo ng mga propesyunal sa medisina at kalusugan, at mga “civil society organizations” na nagsusulong ng mga adbokasiyang pangkalusugan ng mga Pilipino. Kasama sa isinusulong nila ang mataas na buwis sa sigarilyo at alak upang huwag malulong sa mga ito ang mamamayang Pilipino.

Ang HB11279 ay inihain ni Ilocos Sur Rep. Kristine Singson-Meehan. Layunin diumano nito ang lumikom ng karagdagang pundo pa sa implementasyon ng Universal Health Care Law sa pamamagitan ng pagbawas sa buwis sa sigarilyo at alak. Tinawag ito ng Coalition na “Sin Tax Sabotage Bill.”

Sinabi ng Sin Tax Coalition na “malakas at malinaw ang boses ng maraming sektor na ang pagbawas sa buwis ng mga produktong tabako ay aakit lamang ng higit na maraming maninigarilyo at mga mamamatay dahil dito.” Ayon sa World Health Organization, “ang sigarilyo ay pumapatay ng higit sa kalahati ng mga gumagamit nito.”

“Ang malawak na loobin laban sa anumang pagtatangka na sabotahiin ang Sin Tax Reform Law ay makaka-apekto sa larangan ng pulitika, kasama na ang resulta ng halalan, kaya muli, nagpapasalamat kami sa tamang desisyon ng pamunuan ng Kamara na ipatigil ang mga talakayan sa mga panukalang batas na tiyak na sisira sa bayan,” giit ng pahayag ng Coalition.

Show comments